Daan-daang motorista at commuters, naperwisyo ng road closures dahil sa APEC

by Radyo La Verdad | November 17, 2015 (Tuesday) | 9636

Photo Courtesy : Eldon Tenorio
Photo Courtesy : Eldon Tenorio

Naperwisyo ang daan-daang motorista at commuters nitong Lunes matapos isara ang ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila, kabilang ang malaking bahagi ng Roxas Boulevard at Diosdado Macapagal Avenue dahil kaugnay ng gaganaping Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit.

Uminit ang ulot ng maraming commuter nang mapilitan ang mga itong maglakad sa kahabaan ng Roxas Boulevard makaraang isara ang kalsada patungong Maynila dahil ang APEC summit ay gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC) sa CCP Complex, Pasay City.

Alas sais pa lamang ng umaga ay kunsumido na ang mga mananakay mula Cavite, Parañaque, Las Piñas at Muntinlupa City nang pagdating ng NAIA at Coastal Road ay pinababa na ang mga pa­sahero ng mga UV express, jeep at bus dahil isi­nara na ang kahabaan ng Roxas Boulevard hanggang sa may Manila Hotel sa Maynila.

Hindi rin pinadaanan ng mga sasak­yan at napuno ng mga taong naglalakad galing sa NAIA Road at Costal Road ang mga service road patungong Baclaran.

Mula sa toll gate ng Coastal road ay ma­rami ring mga commuter ang napilitang maglakad na lamang dahil hindi na maaaring dumaan ang mga sasakyan.

Matinding bigat ng daloy ng trapiko rin ang naranasan ng mga motorista matapos isara ang ilang bahagi ng kalsada sa lungsod ng Parañaque at Pasay.

Apektado rin ng matin­ding trapik ang bahagi ng EDSA at ang South at Northbound lanes ng Skyway sa South Luzon Expressway (SLEX), na nasasakupan ng Makati, Parañaque at Pasay City.

Ayon sa mga naapektuhang motorista at commuter, dapat sa ay isinama ng pamahalaan sa idineklarang holiday ang Nobyembre 16, araw ng Lunes at nang hindi na nahirapan ang publiko lalo na ang mga papasok sa trabaho.

Tags: , , , , ,