DA Food Master, itinanghal na bagong kampeon ng UNTV Cup Season 10

by Radyo La Verdad | April 17, 2024 (Wednesday) | 5929

METRO MANILA – Dumagundong ang PhilSports Arena, Pasig City nitong Lunes (April 15) dahil sa intense game ng UNTV Cup Season 10 Do-or-Die Finals Game 3 sa pagitan ng mga first-time finalist na Social Security System (SSS) Kabalikat at Department of Agriculture (DA) Food Master.

Sa opening quarter ng winner take-all match, hindi nagpaawat ang 2 koponan na makuha ang lamang at bilang resulta ay dikit ng 2 possession ang Agriculture, 25-21. Naging constant ang pace ng ball game sa sumunod na 10 minuto kung saan mula sa 4 na puntos ay naibaba ito ng SSS sa three-point deficit pagsapit ng halftime, 46-49.

Pagsapit ng second half ay bumulusok ng 19-7 run ang Food Master dahil sa magandang ball movement at fast break points upang isagad sa 17 points ang hahabulin ng Kabalikat sa final frame. Dito ay inalagaan ng DA ang double-digit lead at matapos ang 40-minute hardcourt action, isinara ng Agriculture Food Master ang kabanata upang tanghaling kampeon sa score na 101-80.

Bukod sa unang championship title magmula nang sumali ang DA Food Masters noong season 6, nakatanggap din ang koponan ng ₱3-M para sa kanilang napiling benepisyaryo na Rosita Soliman Foundation Inc. habang ₱2-M naman ang maiuuwi ng SSS Kabalikat para sa kanilang tutulungang charitable institution na SSS Provident Fund.

Labis ang pasalamat ni Breakthrough and Milestones Productions International (BMPI) President and CEO Kuya Daniel S. Razon sa mga koponang nakibahagi sa isang dekada ng isports at kawanggawa na kung saan sa pamamagitan ng liga ay nagiging kasangkapan ang mga lingkod-bayan upang makaabot sa mga taong nangangailangan ng tulong at makagawa ng mabuti sa kapwa.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: ,