Tinanggal ni Pangulong Rodrigo Duterte si Isidro Lapeña sa Bureau of Customs (BOC) at itinalaga ito bilang bagong director general ng Technical Skills and Development Authority (TESDA) sa gitna ng kontrobersyal na bilyon-bilyong pisong halaga ng shabu shipment na nakalusot umano sa bansa sa pamamagitan ng mga magnetic lifter.
Ginawa ng punong ehekutibo ang pahayag nang pangunahan nito ang ika-117 anibersaryo ng Philippine Coast Guard sa Port Area, Manila kahapon.
Hahalili naman sa mababakanteng posisyon niya si Maritime Industry Authority o MARINA administrator at dating Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Rey Leonardo Guerrero.
Iniutos din ni Pangulong Duterte ang pagbabakante sa posisyon at pagtatanggal sa pwesto ng lahat commissioners at section chiefs sa BOC at inilagay sa floating status. Inanunsyo rin nito na sa mga susunod na araw, magkakaroon ng minor revamp sa hanay ng kaniyang gabinete.
Matatandaang ilang posisyon ang nabakante matapos magsumite ng kandidatura para sa 2019 midterm elections ang ilan sa mga cabinet member.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )