COVID-19 Delta variant, nakakapagdulot ng mas malalang kondisyon – DOH

by Erika Endraca | June 21, 2021 (Monday) | 3008

METRO MANILA – Ipinahayag ng World Health Organization na kumakalat na bilang pangunahin o dominant variant ang delta sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ito ang COVID-19 variant na unang natuklasan sa India.

Sa tala ng WHO umabot na sa mahigit 80 bansa ang may hawaan nito.

Nauna na ring iniulat ng WHO na higit na nakahahawa at mas mapanganib ang Delta variant.

Ayon naman sa Dept Of Health (DOH) may mga lumalabas na pag- aaral na mas nagiging malala ang kondisyon ng isang nahawa ng Delta variant.

“Ukol sa Delta variant is iyong high probability of getting hospitalized kapag kayo ay nagkaroon nitong variant na ito. Pagkatapos iyon pong longer time in the hospital also, masyadong mataas po iyong mga inflammatory markers. So kapag tiningnan ho natin ito, mukhang medyo severe po ang dinudulot na sakit. Pero katulad nga ng sabi ko, we need sufficient evidence ‘no – these are just initial observations.” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Ayon pa sa DOH, ang pagsunod sa minimum public health standards, mabilis na contact tracing, testing, isolation at pagpapabakuna ang mga paraang makakatulong sa isang indibidwal upang hindi mahawa sa anomang COVID-19 variant.

Idinagdag pa ng DOH , na malaki ang maitutulong kung magkakaroon ng uniform border control kontra Delta COVID-19 variant sa bansa.

“Ang pinakaimportante is our border control. Kailangan po pare-pareho ang pagpapatupad natin across the regions at kung anuman po ang nairekomenda natin base sa mga advice ng ating experts, ipatupad natin nang maayos. Nakikita ho nating gumagana ang ating protocols dahil iyong labing-tatlo po na individuals with the Indian variants dito sa ating bansa, na-detect ho natin iyan through our protocols in the borders. So sana po ituloy lang natin itong ganitong klaseng mahigpit na border control so that we can prevent that it reaches our community and it will have community transmission.” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire .

Sa ngayon hindi pa idinedetalye ng DOH kung ano ang magiging laman ng uniform border control na ipatutupad sa bawa’ t rehiyon sa Pilipinas.

Bukod sa pagpapatupad ng travel ban sa India at 6 pang mga bansang may kaso ng Delta variant hanggang June 30.

Mahalaga rin ayon sa DOH ang pagpapaigting sa Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) response sa community level.

Dapat ding magpabakuna na ang mga kabilang sa A1- A5 sector.

Sa kasalukyan ipinapatupad sa bansa ang 10 days na quarantine period at 7th day na testing pagdating ng mga incoming traveler.

Sa mga fully vaccinated traveler naman, 7- day isolation lang sa quarantine facility at isasailalim lang sa swab testing kung magpapakita ng sintomas sa ika- 7 araw ng kaniyang isolation.

Katuwang din ng DOH ang mga namumuno sa mga paliparan para mapaigting ang border control sa bansa.

“Ang atin lang po talagang tanging hiling ‘no, na ang ating lahat ng mga institutions pati ang aviation industry, they have to work with us. Kailangan po no matter how strict our border controls will be kung sila naman po ay hindi makakapagpatupad ng maayos na mga protocols, nandoon pa rin po iyong banta na puwedeng pumasok ang mga ganitong variants sa ating bansa. So kailangan lang pong magtulung-tulong and the aviation industry should be able to implement and ensure na iyong kanilang protocols for preventing infections are there.” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire .

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,