Covid-19 cases sa MRT-3, limitado lang sa train depot

by Erika Endraca | January 29, 2021 (Friday) | 5720

METRO MANILA – Isinailalim ngayon sa enhanced access control ang depot ng mrt-3 matapos ma magpositibo sa Covid-19 ang 42 sa kanilang mga empleyado, kung saan isa sa mga ito ang pumanaw noong nakaraang Linggo.

Bunsod nito, nagpatupad muna ng work from home scheme sa mga empleyado ng depot, at nilimitahan ang pinapayagang makapasok tulad ng mga maintenance provider.

Sa depot isinasagawa ang pagkukumpuni at pagsasaayos ng mga tren bago ito patakbuhin sa linya.

Binigyang diin ng DOTr na hindi ang mga personnel sa operations gaya ng mga ticket seller at mga security guard ang dinapuan ng virus.

“To our mrt-3 passengers regular operations po tayo, wala po tayong reported case ng Covid-19 among our station personnel ipinatutupad pa rin natin ang health and safety protocols natin sa mrt-3” ani DOTr Railways, Usec. Timothy John Batan.

Sa ngayon wala pang plano ang DOTr na limitahan ang biyahe ng MRT-3, bagaman limitado ang kanilang mga tao.

Ngunit sakaling kapusin ayon kay Secretary Arthur Tugade, maaring silang humingi ng augmentation sa iba pang mga linya ng tren tulad sa Philippine National Railways at lrt-2.

“Meron po kaming programa na kung saan meron kming rotation at pull kapag kami’y humugot ng mga tao sa operations merong nasa pull na ilalagay doon…yung kasagutan na baka maubos ang tao sana naman huwag..” ani DOTr Sec.Arthur Tugade.

Sa datos ng mrt management,36 sa mga nagpositibo ay pawang mga office personnel sa depot, habang ang anim naman ay mula sa mga tauhan sa maitenance provider.

Kinumpirma naman mismo ni Secretary Arthur Tugade,na nasa intensive care unit (icu) ngayon si mrt-3 General Manager Rodolfo Garcia dahil isa sya sa mga nagpositibo sa Covid-19.

Maging si Director for Operations Engineer Michael Capati kasama rin sa mga tinamaan ng Covid, pero kasalukuyan na umanong nagpapagaling.

Sinasabing nagsimula ang hawaan ng Covid-19 sa depot, matapos na magpositibo ang 1 sa kanilang empleyado na nakasalumuha ng iba pang personnel.

Agad silang nagsagawa ng massive swab testing at dito na natukoy ay iba pang tinamaan ng covid.

Naka-isolate na sa ngayon ang mga nagpositibong empleyado at kasalukuyang inoobserbahan ang kanilang kalagayan.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,