Kinatigan ng Court of Appeals ang Department of Transportation and Communication na bumili ng mga panibagong bagon para sa MRT 3 mula sa isang Chinese firm na nagkakahalaga ng P3.8 billion.
Batay sa desisyon ng CA na isinulat ni Associate Justice Elisa Sempio-Dy, isinantabi nito ang petisyon ng Metro Rail Transit Corporation at MRT Holdings II na pigilin ang DOTC na ibigay ang kontrata sa Dalian Locomotive and Rolling Stock na siyang gagawa at magsusuplay ng 48 light rail vehicles.
Base sa argumento na iprinisinta ng mga petitioner, bagaman nagsagawa ng public bidding ang DOTC para sa naturang kontrata, hindi naman sila inabisuhan ng kagawaran sa pagbili ng panibagong bagon, na isa umanong paglabag sa kanilang right of first refusal alinsunod sa kanilang build-lease-transfer (BLT) agreement.
Kinuwestyon din ng mga petitioner ang transaksyon dahil lumalabag din ito sa prinsipyo ng “single point responsibility” na siyang saligan sa konstruksyon, operasyon at pagmimintina ng MRT 3.
Pero hindi ito pinakinggan ng appellate court. Anila, hindi napatunayan ng MRTC at MRT Holdings II na ang pagbili ng DOTC ng bagong bagon mula sa Dalian Locomotive ay magdudulot ng pinsala sa MRT3 system at pagtaas ng posibilidad ng banggaan ng tren.
Dagdag pa ng CA, wala naman ipinakitang bagong argumento ang mga petitioner para baligtarin ang naunang desisyon ng appelate court nang maghain ang MRTC at MRT Holding II ng motion for reconsideration matapos ibasura ng CA ang nauna nilang inihaing petition for review.(UNTV Radio)
Tags: Court of Appeals, DOTC, MRT 3, MRT Holdings II, MRTC