Contributing Members ng SSS na nawalan ng trabaho, maaaring kumuha ng unemployment benefit

by Erika Endraca | June 11, 2020 (Thursday) | 9668

METRO MANILA – Maaaring kumuha ng unemployment benefits ang lahat ng mga miyembro ng Social Security System (SSS) kabilang na ang mga kasangbahay at Overseas Filipino Workers (OFW’s) na sapilitang nawalan ng trabaho bunsod ng pagsasara at paghinto ng operasyon ng kumpanya, pagbabawas ng manggagawa at iba pang awtorisadong dahilan base sa Labor Code of the Philippines at Presidential Decree Number 442.

Ayon sa ahensya, dapat ang SSS member ay hindi lalagpas ng 60 years old nang matanggal sa trabaho;

Dapat din ay nakapagbayad ng hindi bababa sa 36 na buwanang kontribusyon;

At walang natanggap na unemployment benefit sa loob ng huling 3 taon bago nawalan ng trabaho.

Ayon kay SSS Vice President for Public Affairs and Special Events Fernando Nicolas, kinakailangan lamang magpresenta ng certificate of involuntary separation mula sa Department of Labor and Employment DOLE.

Maaari itong makuha sa DOLE offices kung saan nakabase ang kumpanya at philippine Overseas Labor offices para sa mga ofw.

Upang makakuha nito, kinakailangan ng kopya ng notice of termination mula sa employer o affidavit of termination of employment.

Sa pagsumite ng aplikasyon, maghanda rin ng orihinal at photocopy ng isa sa mga primary id cards o documents katulad ng umid id card, SS card, driver’s license o NBI clearance.

Paglilinaw ng SSS, hindi kasama sa mga kwalipikado para sa benepisyo ang mga self-employed at voluntary members ng SSS.

Inaasahan naman ng SSS na dadagsa ang mag-aapply para sa unemployment benefit sa mga darating na araw dahil na rin sa epekto ng COVID-19.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,