Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng mga otoridad sa pagguho ng bunkhouse ng mga construction worker sa Cebu City, iba’t-ibang violation ang nakita sa contractor nito. Batay sa nakalap na impormasyon ng Department of Labor and Employment Region 7, underpaid ang mga tauhan nito.
Hindi rin umano sila nakatatanggap ng overtime at night differential pay. Hindi rin akma ang nasabing bunkhouse upang tirhan at ma-accomodate ang tinatayang mahigit isang daan at limapung katao.
Sa isinagawang pulong kanina sa pagitan ng DOLE at J.E. Abraham C. Lee Construction and Development Incorporation, nangako naman itong aayusin ang mga pagkukulang.
Kukumpirmahin din ng DOLE ang sinasabing posibleng lumindol bago gumuho ang naturang bunkhouse.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang contractor matapos ang meeting ngunit sa Facebook page nito ay tiniyak na handa silang makipag-ugnayan sa mga otoridad at tumulong sa mga naapektuhan. Sa katunayan ay nag-abot na ito ng tulong sa mga biktima lalo na sa mga nasawi.
Samanatala, ipinag-utos na rin ng Office of the Building Official ang pagpapatigil sa lahat ng proyektong hawak ng nasabing contractor. Napag-alaman na 2001 pa umano ito huling nag-renew ng business permit.
( Gladys Toabi / UNTV Correspondent )