Muling nagbabala kamakailan si Pangulong Rodrigo Duterte na patatalsikin sa pwesto ang mga opisyal at tauhan ng pamahaalan na ginagamit ang pondo ng gobyerno sa maluhong pagbiyahe sa labas ng bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, isang halimbawa nito ang dating chairman ng Dangerous Drugs Board na si Dionisio Santiago.
Batay sa isang complaint letter na isinumite sa Malakanyang ng isa umanong miyembro ng DDB Employees Union laban sa dating DDB Chair. Nagbyahe umano si Santiago sa Vienna, Austria para dumalo sa isang ordinaryong pagpupulong kasama ang kaniyang pamilya, mga paboritong empleyado sa DDB kabilang na ang kaniyang “Girl Friday” at coffee server na si Edith Julie Mendoza.
Bukod dito, nagtungo rin umano si Santiago sa Amerika para sa isang official business kasama ang kaniyang mistress at iba pang paboritong DDB personnel gamit ang pondo ng ahensya. Inakusahan din si Santiago ng pagtatalaga sa sinibak na si Benjamin Reyes bilang caretaker tuwing umaalis siya ng bansa kahit walang formal appointment.
Tumanggap din umano ito ng isang mansion mula sa pamilya Parojinog na umano’y drug operator sa Ozamiz City noong direktor pa siya ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA. Ilan ito sa mga dahilan kaya pinaalis sa pwesto si Santiago bukod pa sa hindi rin nagustuhan ng Pangulo ang naging pahayag ni Santiago sa Mega Drug Rehabilitation Center.
Ipinauubaya na ng Malakanyang sa Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaukulang reklamo laban kay Santiago.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: complaint letter, dating DDB Chair Santiago, Malakanyang