Naiinip na ang karamihang evacuees sa Albay. Karamihan sa kanila, sanay sa pang araw-araw na gawain sa bukid kaya naman nakaka-inip ang manatili sa evacuation center ng walang ginagawa.
Tulad ni Mang Islao, napipilitan na siyang bumalik sa kaniyang bahay sa Brgy. Salungan Camalig, Albay na sakop ng 6.5 kilometer extended danger zone.
Kaya naman naisipan ng local na pamahalaan na maglagay ng communal garden. Dalawang ektarya ng lupa ang ipinahiram ng isang kongresista sa mga evacuees na nasa Ligao City National Technical Vocational High School.
Ang nasabing lupa ay katabi lamang ng evacuation center at maaring pagtaniman ng gulay.
Sa ikatlong distrito ng Albay, mayroon ng apat na communal gardens na proyekto ng lokal na pamahalaan.
Sa ngayon nasa mahigit 58 libong tao pa ang nanatili sa 63 evacuation centers sa 9 na bayan sa Albay.
( Allan Manansala / UNTV Correspondent )
Tags: Albay, communal gardens, evacuees