Committee report sa extrajudicial killings probe, inaasahang ilalabas sa Lunes

by Radyo La Verdad | October 14, 2016 (Friday) | 3053

joyce_sen-gordon
Sa Lunes inaasahang ilalabas na ni Committee Chairman Sen. Richard Gordon ang report ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa naging imbestigasyon nito sa mga umano’y kaso ng extrajudicial killings.

Sa pagtatapos ng pagdinig ng komite kahapon, sinabi ni Sen.Gordon na wala silang ebidensya na nakalap na magpapatunay sa alegasyon ng noon ay committee chairperson na si Sen. Leila de Lima na may kaugnayan sa kampanya kontra iligal na droga ang mga kaliwat kanang pagpatay.

Ang mga kasong ito ay hindi aniya state sponsored, at hindi rin inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon pa kay Gordon isasama nila sa committee report ang testimonya ng mga testigo at ang mga sinabi ng mga resource speaker.

Maliban lamang sa mga naging pahayag ni Edgar Matobato na aniya’y puro kasinungalingan.

Isasama rin sa report ang mga rekomendasyon ng komite kabilang ang pagdagdag ng pondo sa para sa mga police operation at ang pagpapabilis ng imbestigasyon ng PNP sa mga operasyon kung saan namamatay ang inaaresto.

Ipinangako naman ni Sen.Gordon na magiging bukas sa publiko ang committee report.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,