Kumpleto ang 7 miyembro ng Comelec En Banc sa kanilang sesyon ngayong araw.
Sentro ng kanilang pulong kung aling mga makina ang gagamitin sa 2016 elections.
May dalawang opsyong pinag aaralan sa ngayon ng Comelec, ang pag refurbish sa mga lumang PCOS machine o ang pagrenta ng mga bagong OMR voting machine
Nitong sabado, failed ang bidding sa refurbishment option kaya maaring pumasok na sa negotiated contract ang Comelec .
Habang panalo na ang Smartmatic sa bidding para sa lease ng 70,977 new OMR machine.
Subalit hindi nakapaglabas ng pinal na desisyon ngayong araw ang Comelec En Banc.
Bukas makikipag-usap ang mga opisyal ng Comelec sa Comelec Advisory Council o CAC.
Sa huwebes naman haharap sa Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Elections ang Comelec para sa isang dayalogo.
Pagkatapos ng dalawang konsultasyon muling magpupulong ang Comelec En Banc .
Una nang sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na target ng komisyon na makapaglabas ng pinal na pasya sa ikalawang linggo ng buwang ito.
Ayon kay Bautista kasama sa konsiderasyon ng kanilang gagawing pagpapasya ang halaga ng magagastos, panahon para maproduce ang mga kailangang makina at ang technical risk sa pagitan ng dalawang pinagpipiliang opsyon.
Ayon naman sa tagapagsalita ng Comelec bagamat siyam na buwan na lang bago ang halalan at wala pang pinal na desisyon sa mga makinang gagamitin ay may panahon pa naman ang ahensiya upang makapaghanda .
Una nang sinabi ng Smartmatic na kaya ito umatras sa bidding para sa refurbishment ng PCOS machines ay dahil gahol nasa panahon upang maisagawa ito.