Opisyal nang isinailalim sa state of calamity ang buong City of Naga sa probinsya ng Cebu dahil sa pinsalang naidulot ng landslide sa Sitio Sindulan, Brgy. Tinaan noong nakaraang Huwebes.
Sa araw mismo ng insidente ay una munang isinailalim sa state of calamity ang Barangay Tinaan, Pangdan, Cabungahan, Mainit at Naalad na pangunahing naapektuhan.
Pitong araw matapos ang landslide ay umabot na sa animnapu’t lima ang naitalang nasawi, labingwalo ang sugatan at dalawampu’t isa pa ang nawawala.
Itutuloy naman hanggang bukas o sa makalawa ang search and retrieval operations upang mahanap ang mga labi ng iba pang mga biktima na natabunan ng gumuhong lupa.
Samantala, malaki naman ang papasalamat ng city government sa patuloy na pagdating ng donasyon mula sa mga local government unit (LGU) at iba’t-ibang grupo.
Aabot na sa mahigit pitong milyong pisong cash donations ang natanggap ng lungsod na gagamiting pantustos sa pangangailangan ng mga evacuee.
Sa ngayon ay pinagtutuunan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang listahan ng mga pamilya na direktang naapektuhan ng insidente upang mabigyan ng prayoridad sa nasabing tulong.
Nasa 1,716 na pamilya o katumbas ng 7,642 na indibiduwal ang nanunuluyan ngayon sa labing isang evacuation centers na inihanda ng lungsod.
( Gladys Toabi / UNTV Correspondent )
Tags: City of Naga Cebu, landslide incident, state of calamity
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com