Chat sa Facebook group, hindi na gagana simula August 22

by Radyo La Verdad | August 19, 2019 (Monday) | 12545

Napakahalaga ng pakikipagtalastasan sa mga tao, at nag-level up ito dahil sa teknolohiya. Pero paano kung ang nag chat sayo ay taong ayaw mo naman makausap o ‘di kayay isang estranghero na laging nangungulit sayo sa chat? Ito ngayon ang nais masolusyunan ng Facebook kung kayat simula sa August 22 ay ihihinto na nito ang chat feature sa lahat ng mga Facebook groups.

Hindi malinaw ang dahilan ng Facebook pero ilang detalye ang makikita sa kanilang statement noon pang August 16, hindi na maaaring gumawa ng chat sa Facebook group at sa darating na Huwebes, August 22, lahat ng chat sa Facebook group ay mababasa pa rin subalit hindi na maaaring mag-chat.

Ayon sa Facebook, naghahanap sila ng ipapalit sa chat feature sa FB groups pero wala pang detalye sa planong ito. Isa sa tinitingnang dahilan ay ang spamming, o mga unsolicited messages na naipapadala ng bulto kung kanikanino.

Ang mga group chat ay kayang mag-host ng kahit sino hanggang 250 members basta’t naka-add sa group, ibig sabihin, ang host ay kayang mag-chat o mang-spam kahit hindi nila ito friends sa Facebook.

Pero paglilinaw ng Facebook, hindi maaapektuhan ang goup chat sa inyong mga friends sa FB kundi chat lamang sa Facebook group.

Kung may nais namang tignan sa FB group na chat, pwede pa rin itong ma-search sa messenger, i-type lamang ang group name o ‘di kayay pangalan ng member sa group chat.

At sa August 22, makikita sa notification na lahat ng member sa isang chat group ay nag le-leave na, ito ay bahagi ng archiving na gagawin ng Facebook.

Nagpahayag naman ng pagkabahala ang ilang netizen sa aksyon ng Facebook.

Ayon kay Venus Jovero Ortua, marami siyang sinasalihang mga group sa FB na nakakatulong sa kanya, kaya  nanghihinayang siya sa pag-alis sa group chat sa FB groups.

Ang alternatibong magagawa ngayon sa mga FB groups ay mag-usap sa mga post comments o ‘di kaya’y magsimula ng isang chat sa mga katiwatiwalang tao sa Facebook.

Maaaring malaking problema ito sa libo-libong facebook groups, pero mas mahalaga para sa Facebook ang privacy concern ng kanyag mga user.

(Mon Jocson | UNTV News)

Tags: , ,