Certificate of amnesty ni Trillanes, dapat pirmado ng Pangulo – Malacañang

by Radyo La Verdad | September 11, 2018 (Tuesday) | 3363

Posibleng maapektuhan ang amnestiyang ipinagkaloob ng dating administrasyong Aquino sa iba pang sundalong kasama ni Senador Antonio Trillanes sa pag-aalsang ginawa ng mga ito sa Oakwood noong 2003 at sa Peninsula Manila Hotel noong 2007. Ito ay dahil ang pumirma sa certification ay si dating Defense Secretary Voltaire Gazmin.

Nanindigan ang Malacañang na dapat mismong si dating Pangulong Benigno Aquino III ang pumirma sa certificate of amnesty na ipinagkaloob sa mga mutineer at hindi ang dating Defense Secretary.

Ito ay kahit ipinag-utos at pirmado ni dating Pangulong Aquino ang Proclamation Number 75 noong 2010 na nagbibigay ng amnestiya kina Trillanes at iba pa.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na usurpation of authority ang ginawa ni Gazmin na siya ang nagrekomendang bigyan ng amnestiya sina Trillanes at siya rin ang nag-apruba nito.

Dumipensa naman ang Duterte administration sa mga akusasyong selective justice ang ginawang pagsilip sa amnestiyang ipinagkaloob kay Trillanes na isa sa mga matinding kritiko ni Pangulong Duterte.

Ayon kay Roque, ito ay dahil si trillanes ang itinuturing na lider ng mga mutineer.

Sa isang panayam, sinabi ni Roque na posible ring makasuhan si Gazmin dahil sa usurpation of authority dahil wala aniya itong kapangyarihang magbigay ng amnesty gaya ng isinasaad sa batas.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,