CCTV ng gumuhong supermarket sa Pampanga, inilabas ng PNP

by Erika Endraca | April 26, 2019 (Friday) | 67048

Porac, Pampanga – Inilabas na ng Police Regional Office 3 ang kopya ng cctv footage ng Chuzon supermarket sa kasagsagan na tumama ang 6.1 magnitude na lindol noong Lunes.

Sa isang video, makikita ang groundfloor ng gusali kung saan naroroon ang supermarket.

Sa lakas ng pagyanig nagtumbahan ang mga paninda mula sa estante at nagtakbuhan palabas ang mga empleyado.

Nakunan naman sa ikalawang video, ang second floor ng gusali na nagsisilbing opisina ng mga empleyado.

Sa tindi ng pag-uga, bumagsak at nawasak ng buo ang ikalawang palapag ng gusali sa groundfloor.

Ayon kay Pampanga Provincial Police Director Colonel Jene Fajardo, malaking tulong sa kanila ang kopya ng cctv, upang makumpirma na wala nang taong naiwan pa sa loob ng gusali.

 “Sabi ko nga it would have been a different story marami po tayong casualty kung ang building po ay bumagsak ng flat po,ang nangyari duon paforward bumagsak pasulong kaya naispare ang mga tao sa supermarket” ayon kay Pampanga Provincial Police Director Colonel Jene Fajardo.

Kahapon ay napasok na ng mga rescuer ang groundfloor ng supermarket at kinumpirmang wala nang katawan na naipit duon.

“Ang nandun sa area talagang magkakadikit yung mga flooring po mula sa taas nakarating yung flooring ng 3rd floor pababa dun sa ground literaly ang kagandahan lang is yung ito lang area na ito ang bumagsak, yung supermarket area po buo yun hindi yun bumagsak kaya yung mga mga fear namin nun na mga customer na natrap na confirm po na wala kasi yung supermarket sa bandang likod hindi nagalaw except sa nga bumagsak na paninda” ani Pampanga Provincial Police Director Colonel Jene Fajardo.

Bagaman wala nang nakikitang senyales na may buhay pa sa ilalim ng gumuhong supermarket, tuloy-tuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue at clearing operations sa lugar.

 “Lahat po ng equipment na possible na gamitin to detect life and then yung cadaver kasi we are on our 4th day kung mayroon po tayong natrap diyan na patay sobrang mabaho na po at wala po tayong nadedetect ngayon even yung k-9 nag concentrate sa area kung saan naiwan po yung legs ng ating first survivor” pahayag ni Pampanga Provincial Police Director Colonel Jene Fajardo.

Samantala tiniyak naman ng may ari ng chuzon supermarket na hindi nya tatakasan at handang harapin ang mga kasong posibleng isampa laban sa kanya.

Ayon kay Police Regional Office 3 Deputy Director for Operations PSSUPT. Rhoderick Armamento, nakausap na nila si mr. Samuel chu at patuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

 “Yung abugado naman nya  is also in constant coordination dun sa ating team na nagsasagawa ng imbestigasyon,from day 1 sinabi naman nya na hindi sya magtatago tutulong din sya infact dun sa mga naapektuhan”. Ayon kay Police Regional Office 3 Deputy Director for Operations PSSUPT.Rhoderick Armamento

Samantala, Napagalaman ng mga otoridad na mayroong 9 na branch ang chuzon supermarket. 5 sa mga ito ay matatagpuan sa pampanga, habang ang iba naman ay nakapwesto sa Tarlac at Bataan.

(Joan Nano | Untv News)


Tags: , ,