CCTV at GPS, ilalagay sa mga imbakan ng NFA at delivery truck

by Radyo La Verdad | April 20, 2018 (Friday) | 8312

Malaking hamon sa Department of Agriculture kung paano pagagandahin ang imahe sa publiko ng National Food Authority (NFA).

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, ngayon naibalik na sa Department of Agriculture (DA) ang pamamahala sa NFA, maglalagay ito ng mga pamamaraan para mawala ang hinala ng kurapsyon sa ahensya.

Ilan aniya sa mga naglalabasang isyu ay ang pagrerepack ng mga NFA rice para ibenta bilang commercial rice.

Ayon kay Piñol, maglalagay na ngayon ng mga CCTV sa mga bodega ng NFA para makita ang mga naglalabas-masok.

Kakabitan din ng GPS tracking device ang mga delivery trucks para malaman ang mga ruta.

Target din ng NFA na gawing hanggang 2 buwang konsumo ng buong bansa ang imbak nitong bigas mula sa dating 30 araw lang.

Ito’y upang mas mapaghandaan pa ang supply ng bigas lalo na kapag may mga kalamidad na tatama sa bansa. Paiigtingin pa ng NFA ang pamimili ng palay sa mga lokal na magsasaka.

Pag-aaralan pa kung magtatayo ng mga bagong bodega o uupa nalang dahil hanggang pang 22 araw lang ang kayang iimbak ngayon ng mga NFA warehouses.

Bubuo naman ng grupo ang DA at DTI para pag-aralan ang presyuhan ng bigas sa bansa.

Ayon sa DA at DTI, walang suggested retail price ngayon ang bigas kaya’t walang basehan ang mga mamili sa mga presyo nito.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,