METRO MANILA – Binuksan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa publiko ang Cavite-Laguna Expressway (CALAx) Sub-section 5 mula sa Silang East Interchange papunta sa Sta Rosa-Tagaytay Interchange sa Cavite.
“Ang pagbubukas ng Sub-section 5 ay inaasahang makakapagserbisyo sa 5, 000 motorista. Karagdagan ito sa nauna nang 10, 000 motorista na nakakadaan na sa mga naunang binuksang subsections mula Sta. Rosa hanggang Mamplasan,” saad ni Villar.
Pinangunahan ni DPWH Secretary Mark Villar ang seremonya ngayong Martes, ika-24 ng Agosto. Dagdag pa ni Villar, minamadali na rin ng MPCALA Holdings ang pagbubukas ng 45 kilometrong kalsada na mag-uugnay sa CALAx at CAVITEX sa Kawit, Cavite at South Luzon Expressway-Mamplasan Interchange sa Biñan, Laguna.
Kapag tuluyan nang natapos ang proyekto, mababawasan ang travel time ng mga motorista mula CAVITEX at SLEX ng 45 minuto na makakaluwag din sa trapiko partikular na sa Governor’s Drive, Aguinaldo Highway at Sta. Rosa-Tagaytay Road.
Ang P35.68B Cavite-Laguna Expressway ay pinasimulan noong Hulyo 2017 at bahagi ng Build, Build, Build Program ng pamahalaan.
(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)