Bukas ang Philippine National Police sa pagsasagawa ng case review sa kanilang Board of Inquiry report kaugnay ng Mamasapano clash kung saan napatay ang international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Ayon kay PNP Chief P/Dir.Gen. Ricardo Marquez, gagawin nila ito kung kinakailangan upang magkaroon ng linawang issue.
Handa rin silang makipagtulungan sa anomang imbestigasyon na nais na gawin ng ibat ibang ahensya ng pamahalaan.
Gayunman, aminado ang heneral na nasaktan sila sa sinasabing “alternative truth” na umanoy hindi ang SAF ang nakapatay kay Marwan kundi ang mga iade nito.
Sinabi ni Marquez na apektado ang moral ng mga tauhan ng SAF dahil dito.
Dagdag ng Heneral, ang Mamasapano clash ay inimbestigahan ng Board of Inquiry ng PNP, House of Representatives at Senado sa loob ng dalawang buwan, subalit walang lumabas na impormasyon na hindi SAF ang nakapatay kay Marwan.
Kaya’t hamon nito sa grupong umaangkin ng pagpaslang kay Marwan na maglabas ng katunayan na sila ang pumatay at hindi ang mga tauhan ng SAF.
Ayon pa sa general, sa kasagsagan ng imbestigasyon ng BOI sa Mamasapano clash, binigyan ng mga ito nang pagkakataon ang Moro Islamic Liberation Front na magbigay ng pahayag subalit tumanggi ang mga itong magpa interview.
Kaya’t nakapagtataka na limang buwan matapos na ilabas ang BOI report saka lumalabas ang umano’y ” alternative truth” sa insidente.
Nilinaw naman Communications Sec. Herminio Sonny Coloma Jr. na hindi alternative truth ang nilalaman ng bagong impormasyon na nakuha ng Malakanyang kaugnay ng Mamasapano incident.
Bagamat tumanggi na ang kalihim na ilahad ang nilalaman nito. ( Lea Ylagan / UNTV News )