Calabarzon, may pinakamataas na kaso ng tigdas sa buong bansa

by Jeck Deocampo | February 20, 2019 (Wednesday) | 15576
Larawan mula sa Wikimedia commons

CALABARZON, Philippines – Naungusan na ng Calabarzon Region ang Metro Manila sa may pinakamataas na bilang ng kaso ng tigdas sa bansa.

Sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Health Region-4A ay mayroon ng 2,494 na kaso ng tigdas sa rehiyon. Habang umakyat na sa 61 ang nasawi dahil sa komplikasyon.

Karaniwan sa mga nasasawi ay mga batang limang taong gulang pababa na mga walang bakuna kontra tigdas. Sa buong Calabarzon, pinakamaraming nagka-tigdas sa probinsiya ay ang Rizal na may 1,293 samantalang 42 na ang namatay.

Ani Doctor Eduardo Janairo, ang regional director ng DOH 4A, “Karamihan kasi nagkakaroon ng komplikasyon lalo na yung mga malnourished na bata. Madali kasi bumagsak ang resistensiya kapag may tigdas.”

Dagdag pa ni Janairo na mabilis makahawa ang tigdas lalo na sa matataong lugar. Batay sa pag-aaral ng DOH, maaaring makahawa ang isang taong may tigdas ng 12 hanggang 18 bata at maging ang matatanda na walang measles vaccine sa loob ng dalawang oras.

“Ang madalas na namamatay yung huli na nagpapaospital. Natatakot gumastos o kaya malayo ang lugar kaya pagdating sa ospital halos end stage na,” aniya.

Bunsod nito ipinapayo ng DOH sa mga magulang na samantalahin ang libreng pagbabakuna sa mga barangay health center at mga government hospital. Mayroon ding vaccination center sa ilang mga kilalang fast food chain sa rehiyon.

Ayon pa sa Health Department, huwag balewalain ang sakit na tigdas dahil nakamamatay ito lalo na kapag hindi naagapan. Kabilang sa maaaring maging kumplikasyon nito ay ang hirap sa paghinga, bronchopneumonia at pamamaga ng utak.

(Sherwin Culubong | UNTV News)

Tags: , , , ,