Calabarzon, Bicol, Western Visayas at BARMM,  nasa State of Calamity sa loob ng 6 buwan dahil sa epekto ni ‘Paeng’

by Radyo La Verdad | November 3, 2022 (Thursday) | 20118

METRO MANILA – Isasailalim sa State of Calamity ang mga probinsya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon na nasa Region 4A o Calabarzon, ang Bicol Region, Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa loob ng 6 na buwan.

Bunsod ito ng iniwang pinsala ng bagyong paeng sa naturang mga lugar. Base sa Proclamation No. 84 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, aabot sa 1.4 million na populasyon sa 4 na rehiyon ang malubhang naapektuhan ng bagyo.

Ang desisyon na ito ng pangulo ay ayon na rin sa naging rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Dahil sa deklarasyon ng State of Calamity ni Pangulong Marcos Jr, mas mapabibilis ang rescue, recovery, relief at rehabilitation efforts ng gobyerno at private sector.

Makokontrol din ang maaaring pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Kasama nito ay magagamit ng Local Government Units (LGU) ng kanilang mga pondo tulad ng calamity fund para sa pagtulong sa mga naapektuhan ng bagyo.

Inatasan rin ng pangulo ang lahat ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan na ipagpatuloy ang  ang rescue, recovery, relief at recovery measures ng gobyerno.

Pinatitiyak naman ni PBBM sa Law Enforcement Agencies, kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kapayapaan at kaligtasan sa typhoon-hit areas.

Ayon kay Philippine army Joint Task Force Central at 6th infantry Divison cCmmander Major General Roy Galido, inatasan na rin sila ng pangulo na gamitin ang lahat ng assets ng AFP upang tumulong sa paghahatid ng tulong sa mga malalayong lugar o mahirap na puntahan na mga nayon lalo na sa BARMM.

Base sa proklamasyon, maaaring maisama pa ang ibang lugar sa deklarasyon ng State of Calamity kung kinakailangan dahil sa patuloy na assessment sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , ,