Bureau of Immigration, nagbabala sa Job Scams sa social media na target ay English-speaking Pinoys

by Radyo La Verdad | March 20, 2023 (Monday) | 1846

METRO MANILA – Mariing ipinapaalala ng Bureau of Immigration (BI) sa publiko na huwag maniwala sa mga alok na trabaho abroad gamit ang social media lalo na sa mga nais magtrabaho abroad, lalo’t nadagdagan na naman ang mga nabibiktima ng mga sindikato sa ilalim ng call center trafficking scam sa ibang bansa. 

Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, gumagamit ang mga sindikato ng Facebook at Tiktok para manloko sa pamamagitan ng pag-aalok ng trabaho bilang call center agent abroad.

Dagdag pa ng ahensya, 1 Pilipino na biktima ng call center trafficking scam ang napuwi ng pamahalaan noong March 9 matapos itong humingi ng tulong sa embahada ng Pilipinas sa Thailand. 

Inutusan umano ito ng mga sindikato na bumiyahe patungong Thailand bilang turista.

At makalipas ang 1 Linggo sa Thailand, isang private vehicle ang sumundo sa kanila at ibiniyahe ng 12 oras patungong Myanmar.

Ayon sa kagawaran, noong una ay sinabihan ang biktima na babayaran siya ng 1,000$ hanggang 1,500$ dollars kada buwan o katumbas ng mahigit P50,000.

Pero kalaunan aniya ay bigla na lamang itong ni-require na kailangan munang maabot ang quota na kalahating milyong Indian Rupees o humigit kumulang P330,000 bago siya bayaran.

Napilitan umano ang biktima na magtrabaho ng 12 oras kada araw at wala ring day-off.

Sinisingil din umano ito ng P170,000 para sa kanyang paglaya at dagdag P28,000 para tumawid sa ilog pabalik sa Thailand.

Ayon kay Sandoval, karamihan sa mga na-rescue na Pilipino sa nasabing modus operandi ay sa asian countries nabibiktima.

Kaya mas lalo pang hinigpitan ngayon ng BI ang kanilang immigration screenings sa mga paliparan upang bantayan ang mga Pilipinong umaalis patungong abroad.

Ayon kay Sandoval, may mga travel patterns ang mga sindikato na ginagawa upang maipuslit ang kanilang mga biktima sa ibang bansa.

Sa tala ng BI, sa taong 2022, umabot ng higit 32,000 ang naharang ng Immigration na mga Pilipinong patungong abroad: 472 dito ay pawang mga biktima ng human trafficking at illegal recruitment.

Paalala ng BI sa publiko, maging maingat at agad ireport sa kinauukulan kung mayroong kaduda-dudang mga transaksyon na nag-aalok ng trabaho abroad online.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,