Bureau of Immigration, inabisuhan ang mga pasahero na magpunta ng 3-oras na mas maaga sa NAIA.

by Erika Endraca | April 16, 2019 (Tuesday) | 17967
FILE PHOTO: NAIA Terminal 1 Departure Area (RYAN MENDOZA / Photoville International)

Manila, Philippies – Inabisuhan na ng Bureau of Immigration o BI ang mga pasahero na magpunta sa paliparan 3 oras bago ang kanilang nakatakdang flight upang makaiwas sa anumang problema sa kanilang biyahe palabas ng bansa.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Port Operations Chief Grifton Medina, mahalaga na agahan ang pagpunta sa airport dahil hindi rin maiiwasan ang mahabang pila sa immigration section.

Ito’y dahil inaasahan na ang bulto ng mga pasaherong bibiyahe ngayong long holiday. Bagaman sapat umano ang kanilang mga tauhan kinakailangan pa rin na maglaan ng mas mahabang oras para sa pagpo-proseso ng mga pasaherong papasok at lalabas ng bansa.

“Gusto po sana namin mas maging alerto at maaga sila sa pagche-check in at sana kapag nagcheck in na sila tumuloy na sa sila sa Kanilang nga immigration areas or immigration counters para po kung magkaroon man lalabas muna sila kakain muna,gustong mag goodbye muna sa mga pamilya para po hindi magipon-ipon,nagkakasabay sabay” ani Port Operations Chief Grifton Medina.

Nadagdag na ang BI ng 57 Immigration Officers na mag-aasikaso sa mga pasahero. Sa kabuoan aabot sa higit isang daang immigration officers ang nakadeploy sa naia ngayong long holiday.

Samantala ayon kay manila international airport authority general manager o miaa eddie monreal, sa miyerkules pa nila inaasahang darating ang bulto ng nga pasahero.

Sa pagtaya ng miaa, uma-abot na sa siyamnaraang libong mga pasahero sa naia ang nakabiyahe na mula April 8 hanggang April 14.

Bagaman kakaunti pa ang mga pasahero inumpisahan na ang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa paliparan.

Masusing ini-inspeksyon ng mga security ang lahat ng bagahe ng mga pasahero na idinadaan sa mga X-ray machine upang masiguro na walang makalulusot sa mga bagay na ipinagbabawal.

Mahigpit pa ring ipinababawal ang pagdadala ng matutulis na mga bagay at anomang uri ng deadly weapons. Hindi pa rin pinapayagan ang pagdadala ng mga liquid item na hihigit sa 100 Ml.

Sa ngayon ay kakaunti pa ang pila sa mga checkin counter. Hindi pa rin problema ang traffic sa paligid ng paliparan dahil sa ngayon ay maluwag pa ang sitwasyon.

Istrikto pa ring ipinatutupad ang 2-minute waiting time para sa pagbaba at pagsasakay ng mga pasahero upang maiwasan na tumukod ang traffic sa harapan ng arrival at departure area ng airport.

Samantala mas pinili namang magpunta ng mas maaga ng ilang mga pasahero upang tiyaking hindi maiiwanan ng kanilang flight at makaiwas sa anomang aberya.

(Joan Nano | Untv News)

Tags: , ,