Buhay ng mga biktima ng lindol at tsunami sa Indonesia, unti-unti nang bumabalik sa normal

by Radyo La Verdad | October 8, 2018 (Monday) | 3034

Bagaman patuloy na nagluluksa sa pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay, sinisikap ngayon ng mga residente sa Sulawesi Island na maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay isang linggo matapos ang mapaminsalang lindol at tsunami na tumama sa kanilang lugar.

Sa Palu City na isa sa mga lubhang naapektuhan ng kalamidad, unti-unti nang nagbubukas ang mga tindahan at ilang mga negosyo.

Marami na ring bukas na mga gasolinahan ngunit mahigpit pa ring binabantayan ang mga ito ng mga militar upang hindi na maulit ang mga nangyaring nakawan noong katatapos pa lamang ng kalamidad.

Ngunit ayon sa mga residente, kulang pa rin ang suplay ng gasolina sa kanilang lugar.

Ayon sa Indonesian National Disaster Mitigation Agency, umabot na sa halos isanlibo walongdaan ang mga nasawi sa kalamidad.

Marami pa rin ang mga nawawala ngunit ayon sa ahensya ay ititigil na nila ang paghahanap sa mga ito sa Huwebes, ika-11 ng Oktubre.

Maraming mga residente at turista ang pinangangambahang na-trap sa mga gumuhong gusali at bahay ngunit nahihirapan na ang mga rescuer dahil apektado na ang mga lugar ng liquefaction o ang paghina o paglambot ng  lupa dahil sa malakas na pagyanig.

Masama naman ang loob ng maraming mga residente dahil kung maaga lang anilang dumating ang pwersa ng pamahalaan upang mag-rescue ay marami pa sana ang naisalbang buhay.

 

( Salvie Alvarez / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,