Budget Sec. Diokno, ipinatawag ng mga kongresista kaugnay ng 2019 proposed nat’l budget

by Radyo La Verdad | December 10, 2018 (Monday) | 10794

Matapos ang kabi-kabilang isyu ng umano’y pagkakaroon pa rin ng pork barrel sa 2019 proposed national budget, ipinatawag na ng Kamara si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno.

Sa resolusyong inihain ni Minority Leader Danilo Suarez na inaprubahan ng plenaryo, haharap sa “question hour” sa Kamara ang kalihim ng DBM sa ika-11 ng Disyembre at may pagkakataon ang lahat ng mga kongresista na magtanong hinggil sa panukalang pondo ng bansa para sa susunod na taon.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Suarez na kailangang mabigyang-linaw ang mga isyu ng umano’y bilyon-bilyong insertion na ibinigay sa mga kongresista.

At ang posibilidad na pagkakaroon ng re-enacted budget sa 2019 dahil hindi na kayang tapusin pa ng Senado ang deliberasyon sa 2019 proposed national budget.

Matatandaang una nang sinabi ni Senator Panfilo Lacson na may 2.4-bilyong pisong pondo ang napunta sa ikalawang distrito ng Pampanga, na nirerepresenta ni House Speaker Gloria Arroyo.

Pinadalhan na ng sulat ng Kamara si Diokno para personal na dumalo sa “question hour”.

Inatasan rin itong dalhin ang mahahalagang mga dokumento gaya ng disbursements, release at office memos na para sa lahat ng government offices.

Ang pagsasagawa ng “question hour” ng mga mambabatas ay naayon sa Section-22, Article-6 ng 1987 Constitution.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,