Budget Sec. Diokno, hindi na pinadadalo ng Malacañang sa susunod na pagdinig ng Kongreso

by Jeck Deocampo | December 19, 2018 (Wednesday) | 18375
FILE PHOTO: Budget Secretary Benjamin Diokno

METRO MANILA, Philippines – Posibleng mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang magbawal kay Budget Secretary Benjamin Diokno na dumalo sa isasagawang pagdinig ng Kamara hinggil sa umano’y insertions sa pambansang pondo.

 

Batay sa ulat, may nakatakdang pagdinig ang Kamara sa ika-3 ng Enero sa Naga City hinggil sa umano’y ₱75 bilyong insertion sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang umano’y di maipaliwanag na pagpabor sa iisang contractor para sa multi-billion pesos na halaga ng infrastructure projects sa Sorsogon.

 

Ngunit ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi na pinadadalo si Diokno matapos ang hindi mabuting pagtrato ng ilang mambabatas sa cabinet member sa ‘question hour’ na ginawa noong nakaraang linggo.

 

“The basis would be the rude treatment that he had received and another reason is that if you would be submitting questions to the resource person, you will not be asking them. So what’s the use of going there?” ani Presidential Spokeperson Salvador Panelo.

 

Samantala, naniniwala rin ang Malacañang na posibleng diversionary tactic ang ginagawa ng ilang mambabatas na pagbabato ng alegasyon laban kay Diokno dahil naungkat ni Senator Panfilo Lacson ang umano’y pork barrel sa 2019 proposed national budget.

 

Bukod pa ito sa usaping ayaw ilabas ni Diokno ang road users’ tax habang hinihintay na ma-abolish ng Kongreso ang Road Board. Ang nasabing tanggapan ang ginagamit umanong cash cow ng ilang lawmakers at pinanggagalingan ng sari-saring katiwalian.

 

Mismong si Pangulong Duterte ang may gustong ma-abolish ang naturang tanggapan at hindi rin mai-release ang road users’ tax.

 

Dagdag ng ni Secretary Panelo, “We want that the fund be returned to the treasury and then let Congress appropriate again for specific purpose.”

 

Iginiit naman ng Palasyo, wala itong nakikitang dahilan para magkaroon ng constitutional crisis dahil ang naging usapin lamang ay ang hindi naging mabuting pakikitungo ng ilang mambabatas sa isang cabinet official.

Tags: , , , ,