House of the Philippines – Hindi mabibinbin ang plano ng mababang kapulungan ng Kongreso na ipasa ang panukalang P4.1 Trillion, 2020 national budget bago matapos ang unang session break sa October 4.
Ito ang tiniyak ni House Speaker Allan Peter Cayetano sa gitna ng isyu ng pagbawi ni Camarines Sur Second District Representative Luis Raymond Villafuerte sa General Appropriations Bill (GAB) noong August 28.
Sa ilalim ng rules ng kamara, kinakailangan munang matapos ang mga budget briefing ng mga ahensya ng pamahalaan bago ang paghahain ng GAB.
Ayon kay speaker Cayetano magiging transparent ang gagawing pagbusisi ng kamara sa national budget at muling tiniyak na walang maisisingit na pork barrel dito.
Sa pahayag kahapon (September 2) ni House Committee On Appropriations Chair Isidro Ungab sinabi nito na possibleng maantala ang pagkakapasa ng national budget matapos i-withdraw ni Cong. Villafuerte ang GAB sa first reading noong August 28.
Giit ni Congressman Ungab, muling gugugol ng mahabang panahon at resources sakaling babaguhin o aamyendahan ang general appropriations bill na posibleng maging dahilan ng pagkakaantala sa pagpasa ng proposed 2020 national budget.
“If you change the GAB,you will be conducting another set of budget hearings so made-delay talaga,the general appropriations bill is a photocopy of the nep it is the same budget” ani Committee on Appropriations Chairman, Rep. Isidro Ungab.
Samantala dumipensa naman si Congressman Villafuerte at sinabing masyado pa aniyang “Premature” ang pagkakahain ng panukalang batas dahil on-going pa lamang ang mga budget briefing.
Ayon pa kay Villafuerte, procedural matter lamang ang dahilan ng pagkaka-withdraw sa GAB sa first reading at wala naman aniya itong epekto sa timeline ng approval ng national budget.
“Parang ang pangit tignan na di pa nga tapos,ipa-file na parang masyado namang nagmamadali tinatanggalan na kami ng power to hear or make suggesstions” ani Camarines Sur 2nd District, Rep.Luis Raymund Villafuerte.
(Joan Nano | UNTV News)