Bonifacio Day, ginugunita ngayong araw; pagdiriwang, sasabayan ng kilos-protesta ng ilang grupo

by Radyo La Verdad | November 30, 2018 (Friday) | 20082

Ilang programa ang nakatakda ngayong araw sa iba’t-ibang lugar sa bansa bilang paggunita sa kaarawan ng isa sa ating mga bayani na si Andres Bonifacio.

Kabilang dito ang isinasagawang taunang programa sa Bonifacio Cartilla na nasa Taft Avenue sa Manila City Hall ngayong umaga.

Magkakaroon din ng wreath laying sa Bonifacio Monument Circle sa Caloocan City simula bandang alas dose ng tanghali kaugnay pa rin sa 155th Birth Anniversary ni Andres Bonifacio.

Ngunit kasabay naman nito ay ilang grupo ang magsasagawa ng kilos-protesta. Maagang gumising ang ilang mga militanteng nagkampo sa harapan ng Mendiola Peace Arch sa kanto ng Recto Avenue at Kalye Legarda sa Sampaloc, Maynila para sa mga aktibidad na isasagawa ng grupo.

Martes ng umaga ay nagsimula nang magkampo ang mga militanteng grupo na nagmula pa sa Southern Mindanao Region, partikular sa Compostella Valley.

Hinain ng mga ito sa pangunguna ng grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) ang mga isyu kaugnay sa regularisasyon ng mga manggagawa at ang epekto ng martial law sa mga komunidad.

Ito ay dahil napagbibintangan daw ang ilan sa mga manggagawa na frontliner ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) at maging ng grupo ng KMU.

Nakatakdang magsagawa ng programa ang mga militante dito sa Mendiola bandang alas syete ng umaga. Pagkatapos ay magmamartsa ang mga ito papunta sa U.S. Embassy bandang alas onse ng umaga upang magsagawa ng programa.

Inaasahan ang daan-daang militanteng susuporta at sasama sa martsa at mga programa ngayong araw.

Asahan ang mabigat na trapiko sa mga nasabing lugar at pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,