BOI head Magalong, walang babaguhin sa Mamasapano report

by monaliza | March 19, 2015 (Thursday) | 2799

MAGALONG_031215

Binigyang diin ni Board of Inquiry head at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Director Benjamin Magalong na wala silang balak na baguhin ang report ng BOI kaugnay sa nangyari sa Mamasapano operation.

Ito ay sa kabila ng ipinatawag sila ni Pangulong Benigno Aquino III sa Malacañan para ipaliwanag ang ilang bagay na nakasulat sa report. Nakasaad sa resulta ng imbestigasyon ng BOI na direktang nagbibigay ng order si Pangulong Aquino kay dating SAF Director Getulio Napeñas at hindi na ito dumaan kay PNP OIC Deputy Director General Leonardo Espina.

Ayon kay Magalong, hindi niya iniisip na rebisahin ang report ng BOI dahil bukod sa isinakripisyo na nila ang kanilang personal na ambisyon, may pananagutan rin sila sa mga naulilang pamilya ng 44 na SAF troopers na ilahad sa kanila ang katotohanan.

Ikinalungkot ni Magalong ang mga lumabas na ulat na ibinenta umano niyo ang kanyang prinsipyo at babaguhin nito ang konklusyon at findings ng BOI report matapos nitong makipagpulong sa Pangulo.

Nilinaw din ni Magalong na walang subpoena powers ang BOI para ipatawag sa imbestigasyon si dating PNP Chief Alan Purisima, at AFP Chief of Staff Gregorio Catapang para kunin ang kanilang panig. Nauna nang sinabi ni Magalong na hindi rin nila nakapanayam si Pangulong Aquino dahil nabigo umano si DILG Secretary Mar Roxas na makahingi ng appointment sa Pangulo.

Bago matapos ang press briefing sa CIDG main headquarters sa Quezon City, muling iginiit ni Magalong na wala itong babaguhin sa naging resulta ng imbestigasyon ng BOI.

Tags: , , , , , ,