Bodycam footage ng unang pagresponde ng pulisya sa mass shooting sa Las Vegas, isinapubliko

by Radyo La Verdad | October 4, 2017 (Wednesday) | 3162

Inilabas ng Las Vegas Metropolitan Police ang bodycam footage ng unang pagresponde ng mga otoridad sa mass shooting.

Dito maririnig ang sunod-sunod na putok ng baril at makikita ang pagtatago ng mga pulis sa likod ng concrete structures habang inaalam ang lokasyon ng shooter.

Ayon sa Las Vegas Police, siyam hanggang labing isang minuto tumagal ang walang habas na pamamaril ng sisenta y cuatro anyos na si Stephen Paddock sa country music fans sa isang outdoor concert.

Limampu’t walo ang kumpirmadong patay at mahigit limandaan ang sugatan. Pang-limampu’t siyam naman sa nasawi ang suspek na nagbaril sa sarili.

Naniniwala ang pulisya na pinagplanuhang mabuti ang krimen dahil sa lokasyon ng hotel room nito sa Mandalay Bay at sa dalawampu’t tatlong baril na natagpuan dito.

Bukod dito, napag-alam din na nagsetup din ito ng camera sa kanyang hotel suite at sa hallway.

Umabot naman sa 47 baril na pagmamay-ari umano ni Paddock ang narecover ng mga otoridad.

Naniniwala ang otoridad na mag-isa nitong ginawa ang pinakamalalang gun violence sa U.S modern history na hanggang ngayon ay hindi pa natutukoy ang motibo.

 

( Jun Soriao / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,