BJMP employee na nagsauli ng pitaka sa isang negosyante, pinarangalan sa Lipa, Batangas

by Radyo La Verdad | August 8, 2018 (Wednesday) | 3654

Dalawang linggo na ang lumipas mula nang mawala ang pitaka ng negosyanteng si Milagros Joven.

Sinubukan na rin niyang gamitin ang social media sa pagbabaka-sakaling maibalik ito sa kanya subalit walang tumugon sa kanyang panawagan.

Kaya naman laking pasasalamat niya nang magtungo sa kanilang barber shop ang isang lalaki dala ang kanyang wallet. Ni hindi nagalaw ang pagkakaayos ng kanyang mga pera dito kaya tuwang-tuwa siya.

Lalo siyang napahanga nang malaman na isang tauhan ng Burreau of Jail Management and Penology (BJMP) ang nakapulot nito na si SJ01 Lopito Hernandez.

Ayon kay SJ01 Hernandez, napulot niya ang pitaka sa tabing kalsada malapit sa isang mall sa Lipa.

Hindi rin aniya siya nagdalawang isip na hanapin ang may-ari ng pitaka upang personal na isauli ito dahil sa mga natutunang aral sa Biblia mula kay Brother Eli. Soriano ng Members Church of God International (MCGI).

Bunsod ng ginawang kabutihan ay binigyan siya ng certificate of commendation (COC) ng lungsod ng Lipa, Batangas.

Ipinagmamalaki naman ng buong BJMP Lipa ang kabutihang ipinamalas ng kanilang kasama.

Tiniyak naman ng pamunuan ng BJMP sa Lipa na pananatilihin nila ang pagiging huwaran sa publiko tulad ng ginawa ng kanilang kasamahan.

 

( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,