Biyahe ng MRT-7 mula North Avenue hanggang Caloocan City aarangakada na sa 2021

by Erika Endraca | July 18, 2019 (Thursday) | 18677

MANILA, Philippines – Posibleng simulan na ng Department of Transportation (DOTR) ang pagpapatakbo ng mga tren sa linya ng MRT-7 sa taong 2021.

Ayon kay Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan target nilang buksan sa susunod na 2 taon ang partial operability o biyahe ng MRT-7 mula North Avenue station sa Quezon City hanggang sa Sacred Heart sa Caloocan City.

Personal na ininspeksyon kahapon (July 17) ng mga opisyal ng DOTR ang constuction site ng MRT-7 kasama ang kinatawan ng San Miguel Corportation na siyang contractor ng proyekto.

Sa kasalukuyan mahigit 44% nang tapos ang MRT-7. Nakapaloob dito ang konstruksyon ng mga istasyon, platform at linyang paglalatagan ng riles ng tren.

Nakumpleto na rin ang pagbili ng 36 na bagong train sets mula sa South Korea. Maging ang matagal nang problema sa kontruksyon ng depot ay naresolba na rin ayon sa DOTR.

“Our concessionaire already has proposed a solution and secretary tugade already approved the solution and give us a few weeks we were just implementing it kapag ready na kami we will announce it but malaking malaki po yung matitipid natin na oras in terms of implementation once this solution is in place” ani DOTR Railways, Usec.Timothy John Batan.

Ang MRT-7 ay isang 23 kilometer railway system mula North Avenue sa Quezon City hanggang San Jose Del Monte Bulacan.

Binubuo ito ng 14 na istasyon ang North Avenue, Quezon City Memorial Circle, University Avenue, Tandang Sora, Don Antonio, Batasan, Manggahan, Dona Carmen, Regalado, Mindanao Avenue, Quirino, Sacred Heart, Tala at San Jose Del Monte Bulacan.

Ang kumpletong linya ng MRT-7 ay inaasahang matatapos sa 2022.

Sa oras na matapos, ang dating 4 na oras na biyahe mula Quezon City hanggang San Jose Del Monte Bulacan, aabutin na lamang anila ng 34 na minuto. Kaya nitong makapagsakay ng aabot sa halos 500,000 pasahero kada araw.

Samantala, tiniyak naman ng DOTR na hindi matutulad ang serbisyo ng MRT-7 sa mga aberya at problema sa linya ng MRT-3.

Ayon kay Usec.Batan mayroon na silang maigting na pakikipagugnayan sa mga pribadong sektor na katuwang ng pamahalaan na mangangasiwa sa pagtatakbo ng MRT-7. Bahagi rin ng kanilang kontrata ang pagpapataw ng multa sa pribadong sektor kung bigo ang mga ito na maiayos ang serbisyo ng mga tren.

“May mga performance indicators po tayo at kapag hindi po yan nafulfill ng ating concessionaire meron din po yang corresponding financial penalties so we’re expecting that to add to the assurances na mapapatakbo ng maayos ang linya kapag natapos in 2021-2022” ani DOTR Railways, Usec.Timothy John Batan.

Samantala 30% na ring tapos ang itinatayong common station sa may North Avenue na magdurugtong sa linya ng LRT-1, MRT-3 at MRT-7. Sa pagtaya ng DOTR inaasahang matatapos na ito sa susunod na taon.

(Joan Nano | Untv News)

Tags: , , ,