Bilang ng mga sumukong convict na napalaya dahil sa GCTA Law, umabot na sa mahigit 100

by Erika Endraca | September 9, 2019 (Monday) | 1357

MANILA, Philippines – Patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga sumukong convict na napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.

Ito’y kasunod ng ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte noong September 4 na pasukuin ang 1,914 heinous crime convicts sa mga otoridad sa loob ng 15 araw.

Base sa datos ng PNP, 118 convict na ang sumuko sa mga otoridad as of 6 pm ng Linggo. Sa naturang bilang, 39 ang convicted dahil sa kasong rape gayundin sa murder.

Sa isang text message, sinabi ni Justice Undersecretary Mark Parete na noong Sabado, dumating sa New Bilibid Prison ang isang bus mula sa Cagayan Valley na may sakay na 28 sumukong convict.

Patuloy na nakatatanggap ng ulat ang BuCor mula sa mga Regional Offices ng pnp sa pagsuko ng iba pang mga convict.

Ilan lamang sa mga kinilalang sumuko ay sina Ariel Balansag at Alberto Cano, dalawang na-convict dahil sa rape at murder ng magkakapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong sa Cebu City.

Nauna nang sinabi ng pangulo na kailangang sumuko ang mga convict bago ang deadline dahil ipaaaresto niya ito sa pamamagitan ng warrantless arrest

(April Cenedoza | UNTV News)

Tags: