Isa pang batch ng mga overseas Filipino workers mula Kuwait ang nakauwi sa bansa kagabi.
Bitbit rin ng karamihan sa kanila ang mapapait na karanasan ng pagtatrabaho sa naturang Gulf State, kabilang dito ang pang-aabuso ng kanilang mga amo.
Sa tala ng Department of Foreign Affairs, umabot na sa mahigit tatlong libo at dalawang daang OFW ang nakauwi ng Pilipinas simula Pebrero ngayong taon.
Pero ayon sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA, patuloy ang pagdagsa ng mga OFW na humihingi ng tulong sa Philippine Overseas Labor Offices o POLO sa Kuwait.
Sa ngayon, umakyat na sa mahigit isang libo ang bilang ng mga manggagawang Pilipino ang kinukupkop sa mga shelter ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait matapos tumakas sa kanilang mga amo.
Ayon naman sa Department of Foreign Affairs, maganda ang ipinakikitang development ng pag-uusap ng Kuwaiti at Philippine government kaugnay ng binabalangkas na bilateral agreement on OFW protection.
Ayon sa DFA, pumayag na ang Kuwait na mabigyan ng minimum monthly salary na 120 Kuwaiti dinars ang mga Filipino domestic helpers, hindi bababa sa walong oras na rest hours sa isang araw, hindi kukumpiskahin ang kanilang passport at mobile phones at ang one household work limit.
Pero ayon sa DFA, hindi pa rin ito sapat para bawiin ng Pilipinas ang ipinatutupad na total deployment ban ng mga OFW sa Kuwait.
Bukod sa wala pang nalalagdaang kasunduan, kailangan din pumayag ang naturang Gulf State sa ilang pang kondisyon na magbibigay proteksyon sa ating mga kababayan laban sa exploitation at abuse.
Isa sa isinusulong ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ay ang direktang paghuhulog sa sahod ng mga manggagawa sa bank account ng mga Filipino workers at pagbuo ng mekanismo kung saan direktang makakapaghain ng reklamo ang mga OFW sa Kuwaiti auhorities.
(Asher Cadapan / UNTV Correspondent )
Tags: Gulf State, Kuwait, OFW