Bilang ng mga nahawang baboy dahil sa ASF sa Eastern Visayas, patuloy na dumarami

by Erika Endraca | January 26, 2021 (Tuesday) | 7249

Patuloy ang isinasagawang culling o depopulation ng regional at municipal task force na binuo ng Department of Agriculture (DA) Region 8 sa mga baboy na nahawa ng African Swine Fever (ASF).

Base sa datos na ibinigay ng DA nasa 2,000 na ang napatay na mga baboy na infected ng ASF sa rehiyon.

Ngayon ay may 2 lungsod ang naidagdag na may mga kumpirmadong kaso ng ASF sa rehiyon. Ito ay ang mga bayan ng Abuyog, La Paz, at Javier sa Leyte.

Dahil sa dumaraming bilang ng mga baboy na nahawa ay ipinasara na muna ng mga lokal na pamahalaan ang mga slaughterhouse nito upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng naturang sakit at maiwasan ang pagbebenta ng karne ng mga infected na baboy.

Naglabas na rin ng mga executive order ang mga lokal na pamahalaan ng probinsya na nagbabawal sa anomang transportasyon, pagpatay, o anomang pagkunsumo ng karne ng baboy.

Ayon kay Department of Agriculture Chief Regional Information Officer Francis Rosaroso, hindi naman maaapektuhan ang supply ng karne ng baboy sa bansa dahil hindi naman major exporter ang rehiyon ng naturang karne.

Ang maapektuhan lang nito ay ang transportasyon ng mga baboy na manggagaling sa Mindanao dahil hindi na maaaring dumaan o ipinatigil na ng mga lokal na pamahalaan ang transportasyon o anomang paggalaw ng baboy sa lungsod.

Samantala, nagpaalala naman ang Department of Agriculture sa publiko, lalo na sa mga hog raisers, na ipaalam kaagad sa kanilang tanggapan kapag nakitaan ng sintomas ang kanilang mga alagang baboy upang maayos na maidispose at maiwasan ang pagkalat o pagdami ng mga nahawang baboy sa lugar.

(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: ,