Bilang ng mahihirap na Pilipino, pumalo na sa halos 20-M noong 2021

by Radyo La Verdad | August 16, 2022 (Tuesday) | 7334

METRO MANILA – Tumaas ang bilang ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino sa loob ng 3 taon mula 2018 hanggang 2021. 3.5 million o katumbas ng 13.2% ng mga pamilya sa buong bansa ang itinuturing na mahirap.

Batay sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2021 ay umabot sa 19.99 million na mga Pilipino o 18.1% ang mga mahihirap.

Ibig sabihin nito kulang ang kinikita para tugunan ang pangunahing pangangailangan sa pagkain at iba pang non-food needs tulad ng pang-edukasyon, pangkalusugan, ilaw at tubig at pananamit.

Mas mataas ito kaysa sa 17.67 million o 16.7% na mga mahihirap na Pilipino noong 2018.

Pinakataas ang bilang ng mahihirap o poverty incidence sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nasa 37.2% ng kabuuang populasyon. At pinakamababa ay dito sa National Capital Region na nasa 3.5%.

Sa 17 rehiyon sa bansa, ang Region 7 o Central Visayas Region ang may pinakamalaking pagtaas ng mga pamilyang mahihirap o poverty incidence sa taong 2021 mula 2018.

Ayon sa National Economic Development Authority (NEDA), malaking epekto sa pagtaas ng bilang ng mga mahihirap na Pilipino at pamilyang Pilipino ang COVID-19 pandemic.

Pero, ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, handa naman silang harapin ang ganitong sitwasyon. Kabilang sa nakitang solusyon ng ahensya ang tuluyang pagbubukas ng ekonomiya. Dagdag pa ni Sec. Balisacan, target ng pamahalaan na gawing moderno ang sektor ng agrikultura o agri business.

Patuloy ding gagawa ng hakbang ang pamahalaan para isulong ang pagne-negosyo at maka-enganyo ng mga mamumuhuhan sa bansa.

Umaasa ang administrasyon na makikipagtulungan ang mga tao, nasa business sector at science community sa mga plano ng gobyerno.

Target ng Marcos administration na mapababa ng 9% ang poverty incidence o bilang ng mga mahihirap na Pilipino sa bansa sa taong 2028.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,