Bilang ng leptospirosis cases sa Metro Manila, umakyat na sa 679

by Radyo La Verdad | July 27, 2018 (Friday) | 4682

Nangangamba ang Department of Health (DOH) na tataas pa sa susunod na mga buwan ang kaso ng leptospirosis at dengue hangga’t may baha pa ring mga lugar dahil sa patuloy na pag- ulan sa bansa.

Sa tala ng DOH, simula ika-1 ng Enero hanggang ika-25 ng Hulyo, umabot na sa 679 ang bilang ng may leptospirosis sa National Capital Region (NCR). Mas mataas ito ng 279% kumpara sa kaparehong panahong noong 2017.

Kaya naman puspusan din ang pag-iikot ng Department of Health (DOH) sa mga komunidad at sa mga paaralan upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang publiko na makaiwas at mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit.

Inuuna ng DOH na mag-ikot sa Quezon City dahil sa kasalukuyan ay nasa 209 ang leptospirosis cases sa naturang lungsod.

Pito sa mga barangay sa Quezon City ang idineklarang may leptospirosis outbreak ng DOH, isa rito ang Barangay Commonwealth.

Kaya naman kaninang umaga ay dinalaw din ng DOH Epidemiology Bureau at DOH-NCR ang Commonwealth Elementary School upang maturuan ang mga kabataan kung paano makakaiwas sa sakit na dengue at ng leptospirosis.

Batid naman ni Aling Arlene ang kahalagahan ng malinis na kapaligiran at pagsusuot ng bota tuwing tag- ulan lalo na’t hatid sundo siya sa kaniyang apo araw- araw.

Paalala ng DOH, mag- doble ingat ngayong tag-ulan dahil posibleng magkaroon pa ng leptospirosis outbreak sa ibang lugar kapag hindi naagapan ang pagkakaroon ng leptospirosis.

Dagdag pa ng DOH, kaagad magpatingin sa doktor at huwag ipagwalang bahala ang simpleng lagnat dahil maaaring umabot sa kumplikasyon at kamatayan ang leptospirois kapag hindi naagapan

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,