Bike-sharing system, malaking tulong upang mabawasan ang traffic at polusyon

by Radyo La Verdad | December 25, 2017 (Monday) | 1965

Isinusulong ngayon sa Taiwan ang bike-sharing system upang mabawasan ang mabigat na trapiko at polusyon sa bansa. Makikita ito sa Hsinchu City, Taiwan.

Inilunsad noong taong 2009 ang trial ng biking system na ito sa Xinyi District sa Taipei sa kagustuhan ng gobyerno na mahikayat ang mga mamamayan na tumulong upang maiwasan ang pagsikip ng daloy ng trapiko at polusyon sa bansa.

Sa paggamit nito, una kailangan ng easy card or MRT card at i-register ang card sa youbike kiosk gamit ang local number. Gamitin ang registered card sa sensor pad ng bike docking station. Kung mag-green ang light, pwedeng hilahin ang bike pero bago gamitin huwag kalimutang i-check ng mabuti ang bike lalo na ang breaks, seat lock at bell.

Kung ibabalik na ang bike, i-dock lamang ito sa pinakamalapit na docking station, hintayin mag-beep sound at i-tap na muli ang easy card sa sensor. Ang paggamit ng bike ay nagkakahalaga ng 5 Taiwan dollars or 8 pesos per 30 minutes, maximum ng apat na oras.

Sa ngayon, ang pagbibisikleta ay maituturing ng bahagi ng public transportation sa Taiwan na pinakikinabangan hindi lamang ng mga mamamayan kundi ng mga turista.

Sa kasalukuyan, plano pang magdagdag ng Taiwan government ng mas maraming youbike stations sa mas maraming lugar sa Taiwan sa susunod na taon.

 

( Amiel Pascual / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,