Bigtime rollback, ipapatupad ng mga oil company ngayong linggo

by Radyo La Verdad | June 25, 2018 (Monday) | 1697

Matapos ang oil price hike noong nakaraang linggo, mahigit piso ang ibababa sa presyo ng produktong petrolyo simula bukas.

Ayon sa mga industry player, mahigit piso kada litro ang ibaba sa presyo ng gasolina, 90 sentimo hanggang piso kada litro sa presyo ng diesel at halos piso naman sa kerosene.

Bagaman bumabagsak ang halaga ng piso, malaki ang naging ambag ng pagtaas sa supply ng langis sa pagpapababa sa presyo nito.

Noong nakaraang Biyernes, nagkasundo ang mga bansang miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) na itaas pa sa isang milyong bariles ang kanilang produksyon ng langis kada araw.

21 million barrels kada araw ang nagagawa ng mga oil exporting countries sa buong mundo.

Bukod sa tumataas na supply, nakatulong rin ang natapos na maintenance ng mga oil refinery sa Asya sa pagbaba ng oil price.

Simula noong 2016, ibinaba ng mga OPEC member countries ang kanilang produksyon ng 1.2 million barrels kada araw upang balansehin ang merkado.

Subalit dahil sa limitadong produksyon ng ilang bansa gaya ng Libya at Venezuela, hindi naaabot ang target na humantong sa pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Ngunit patuloy naman ang panawagan ng isang consumer group na imbestigahan ang umanoy sabwatan sa presyo ng langis sa bansa.

Pinag-aaralan naman ng Philippine Competition Commission (PCC) kung maglulunsad ng imbestigasyon kaugnay sa hiling ng consumer group.

Sa Hulyo naman ay uumpisahan na ang pamimigay ng limang libong pisong fuel voucher para sa mga public jeepney driver sa bansa.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,