Benepisyaryo ng Serbisyong Bayanihan, unti-unti nang nakakabangon

by Erika Endraca | November 24, 2020 (Tuesday) | 1732

METRO MANILA – Isa si Carolina Cruz sa mga mapapalad na nabigyan ng ayuda ng programang Serbisyong Bayanihan ng UNTV na naghingi ng tulong pangdagdag puhunan sa kanyang tindahan.

Agad naman na inaksyunan ng programa at naibigay agad ang kahilingan ni Nanay Carolina na ngayon ay unti-unti nang bumabangon.

May anak na special child si Nanay Carolina, isang dahilan kaya hindi nito maiwan ang anak para makapagtrabaho, kaya naisipan ni Nanay na magtinda na lamang sa kanyang bahay.

Lalong naging mahirap ang sitwasyon ng kaniyang pamilya mula nang maglockdown dahil sa kakaunti na lamang ang bumubili sa kanya. Dahilan din para mahinto ang kanyang anak na sana ay Grade 11 na ngayong school year.

Kaya naman hindi na nagatubili pa si nanay Carolina na magtext agad sa Serbisyong Bayanihan nang may nagabot sa kanya ng contact number ng nasabing programa.

“Bago ako magtext kinlaim ko na kay God na makukuha ko itong kahilingan ko. Ipinagpray ko kay God na maigrant itong kahilingan kong dagdag puhunan”ani Nanay Carolina Cruz.

Ngayon ay unti-unti nang nakakaahon si Nanay Carolina at unti-unti na rin niyang nadadagdagan at naipupundar ang ilang mga kagamitan sa kanyang munting tindahan.

“Dati fishball at squid ball lang. Ngayon, galing din dun sa puhunang naibigay sa’kin, nadagdagn na rin ng burger at footlong. Nakabili na rin ako ng heater, galing din sa puhunan na binigay. Napapaikot ko rin yung puhunan.” ani Nanay Carolina Cruz.

Upgraded na rin ang pagtitinda ni Nanay, dahil marami na ring bumibili sa kanyang mga customer na kumucontact sa kanya sa Facebook messenger.

“Nilagay ko sa facebook yung tinda ko. Ngayon meron akong suki na factory sa akin tumatawag at umoorder ng pangmeryenda. Dinideliver ko. Minsan naman may mga nagtetext sakin sa messenger, meron naman nagwo-walk in.”

Tunay nga ang kasabihang nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Magsumikap lang tayo ay tiyak na sa kahit anomang kahirapan, sa tulong at awa ng Diyos ay makakabangon din.

(Syrixpaul Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: