Bayaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino, idinawit ng umano’y testigo sa road right-of-way scam

by Radyo La Verdad | November 28, 2017 (Tuesday) | 1758

Iniharap na sa media ng Department of Justice ang sinasabing testigo sa nabunyag na road right-of-way scam sa General Santos City.

Ayon sa kay Roberto Catapang Jr., dati siyang tagalakad ng sindikato sa pagpoproseso ng mga pekeng claims para sa kompensasyon ng lupang tinamaan ng National Highway doon.

Ginagamit aniya ng mga lider ng sindikato na sina Mercedita Dumlao, Wilma Mamburam at Col. Chino Mamburam  sa modus ang pangalan ni Eldon Cruz, asawa ng kapatid ni dating Pangulong bBenigno Aquino III na si Ballsy Aquino Cruz.

Si Cruz umano ang nag-eendorso ng mga claims sa Department of Public Works and Highways o DPWH. Mayroon din siyang ipinakita na sulat na pirmado ng bayaw ng dating Pangulo sa mga endorsement sa DPWH, bagaman walang pangalan kung sino ang nakapirma dito.

Ayon kay Sec. Vitaliano Aguirre, kabilang ito sa bulto ng mga dokumentong susuriin ng National Bureau of Investigation.

Ayon pa sa testigo, peke ang lahat ng tatlong daang titulo na ginamit ng sindikato upang makakuha ng aabot sa 8.7 billion pesos mula sa DPWH. Posible aniyang alam din ito nina dating DPWH Sec. Rogelio Singson at dating Budget Sec. Butch Abad.

Isa aniya sa kaduda-dudang nangyari ang request ni Singson na i-release ang kalahating bilyong pisong kompensasyon para sa labing walong titulo.

December 23, 2013 umano natanggap ang request pero agad na naglabas ng pondo ang DBM makalipas lamang ang apat na araw.

Samantala, inilagay na ng DOJ sa immigration lookout bulletin ang 43 suspek sa scam kabilang na sina Abad at Singson.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,