Bayanihan 2, lagda na lang ng Pangulo ang kailangan para maging isang ganap na batas

by Erika Endraca | August 25, 2020 (Tuesday) | 2956

METRO MANILA – Lagda na lang ni Pang. Rodrigo Duterte ang kailangan upang maging ganap nang batas ang Bayanihan to Recover as One act o ang “Bayanihan 2,”.

Ito ay matapos maratipikahan sa Bicameral Conference Committee.

Ang pinal na bersyon ng Bayanihan 2 ay pipirmahan ng House Speaker at Senate President na siyang magiging tinatawag na “Enrolled Bill”.

Sa kabuoan ay may P165-B ang inilaang pondo sa Bayanihan to Recover as One Bill kasama na ang P25-B standby funds.

ilan sa pangunahing popondohan nito ay ang pautang sa mga maliliit na negosyo na mahigit sa P41-B.

Ang pagpapalakas sa agrikultura at pagbibigay ng ayuda sa mga mangingisda at magsasaka ay may P24-B ; mahigit sa P30-B ang nakalaan para sa pagkuha ng mga contact tracers at health workers kasama na ang kanilang mga benepisyon.

May mahigit sa P30-B din para sa ayuda sa mga OFW, mga drivers, estudyante , guro at iba pang mga empleyado ng state universities,  may cash for work program din at Social Amelioration Program (SAP).

Mahigit sa P5-B naman para sa turismo at mga atleta. Para sa education naman ay may nakalaan ding P8-B.

Isa sa probisyon ng panukala ay ang pabibigay ng mga ahensya ng gobyerno ng aktuwal na listahan ng mga benipisyaryo ng Social Amelioration Program.

Noong nakaaraang Linggo ay una nang niratipikaha no sinangayunan ng mga senador ang pinal na bersyon nito na lumabas sa Bicameral Conference.

Rey Pelayo| UNTV News

Tags: