Bayan ng Camalig, binalot na naman ng makapal na abo mula sa Bulkang Mayon

by Radyo La Verdad | January 30, 2018 (Tuesday) | 2021

Halos di na lumalabas ang ilang mga magsasaka at mga residente sa Camalig, Albay sa takot na malanghap ang makapal na abo na ibinuga ng bulkan.

Ang pasipon-sipon o matubig na lavang ibinubuga ng Bulkang Mayon ang naging dahilan kung bakit natakpan ng abo ang bahaging ito ng bayan ng Camalig. Ganito rin ang nararanasan sa Guinobatan, Albay.

Paliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, sporadic ang uri ng lava fountaining at makapal ang mga bagong deposits ang ibinuga ng bulkan.

Ayon sa Mayon Volcano Observatory, sa ngayon ay mababa ang viscosity rate o medyo fluidal ang lava na inilalabas ng bulkan nang halos walang ingay mula sa crater at pasirit-sirit ito. Aaralin pa ng PHIVOLCS ang mga larawan mula sa aerial survey.

Kasama ang Philippine Air Force ay inikot ng ahensya ang South, East, Southeast at Northeast parts ng Albay upang matukoy ang priority areas na imomonitor sa lalawigan. Ang priority areas ang mga lugar na pangunahing kailangang ilikas sakaling magkaroon g lahar.

May nakita rin lahar threat sa mga ilog Binaan Channel, Budiao, Daraga, Camalig, Buyuan Channel, Eastern Part, Mabinit Channel, Bongao Gully, ito ang mga pangunahing lugar na binabantayan ng phivolcs sakaling magkaroon ng malakas na mga pag-ulan.

Samantala, nananatili pa rin sa alert level 4 sa buong probinsya ng Albay.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,