Bawas singil sa tubig, ipatutupad sa Hulyo

by Radyo La Verdad | June 16, 2016 (Thursday) | 2343

MAYNILAD
Isang centavo ang bawas singil sa tubig ang ipatutupad ng Maynilad at Manila Water sa susunod na buwan.

Ibinatay ng Metropolitan Manila Water Sewerage System o MWSS ang bawas singil sa Foreign Currency Differential Adjustment o FCDA.

Ang FCDA ay isang mekanismo na ipinagkaloob sa Maynilad at Manila Water upang mabawi o maisauli ang kanilang kita batay sa paggalaw ng dolyar, yen at euro.

Kapag lumalakas ang piso laban sa dolyar at ibang currency bumababa ang FCDA, tumataas naman ang FCDA kapag humihina ang piso.

Ayon naman sa Maynilad, kahit isang sentimo lamang ang nabawas ay magandang balita pa rin ito para sa lahat.

Sa mga customer ng Maynilad na komokonsumo ng 10 cubic meter kada buwan ay magkakaroon ng 2 centavos na bawas, sa 20 cubic meter, 11 centavos at sa 30 cubic meter ay 20 centavos.

Sa mga customer ng Manila Water na komokonsumo ng 10 cubic meter may bawas na 2 centavos sa monthly bill, sa 20 cubic meter, 6 centavos at sa 30 cubic meter ay 13 centavos.

Nagsusupply ng tubig ang Manila Water sa Mandaluyong, Pasig, San Juan, Pateros, Taguig, Marikina at ilang bahagi ng Quezon City at Rizal province.

Nagsusupply naman ng tubig ang Maynilad sa Manila, Quezon City, Makati, Caloocan, Paranaque, Muntinlupa, Las Piñas, Valenzuela, Navotas at Malabon.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: ,