METRO MANILA – Ipinanawagan ni Commission on Elections (COMELEC) Commissioner George Erwin Garcia ang paggawa ng batas na magpapahintulot sa mga Overseas Filipinos, na makaboto sa halalan sa pamamagitan ng internet.
Ayon kay Garcia panahon na para isabatas ito lalo’t mababa ang naging overseas voter turnout noong May 2022 elections na nasa 39% lamang.
Bagaman mas mataas na ang 39% kung ikukumpara sa mga nagdaang halalan, ikinalungkot ni Garcia na wala pa sa kalahati ng Overseas Filipino ang nakaboto.
Ayon kay Atty. Garcia lahat ng mga Pilipinong nasa abroad ay maalam sa paggamit ng internet, dahil ito ang ginagamit nilang paraan para makausap ang kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
Sa ilalim ng panukala ni Ad Interim Chair Garcia, mag-a-assign ng Internet Protocol (IP) address sa bawat botante para mapanatili ang secrecy ng mga balota.
Sa ilalim ng Republic Act 9189 o Overseas Voting Act, otorisado ang Comelec na pag-aralan ang internet-based technology para sa overseas voting.
Pero kailangan muna ang isang batas bago magamit ang internet voting system sa halalan.
Tags: COMELEC, OFW, ONline Voting