Batas laban sa mga road obstruction, isinusulong sa Lower House

by Radyo La Verdad | August 11, 2016 (Thursday) | 3302

NEL_HARANGIN
Kamakailan ay sinimulan na ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority ang clearing operations sa mga major at secondary road upang maayos itong magamit ng publiko.

Kabilang sa mga inalis ang mga maliliit na tindahan at mga nakaparadang sasakyan sa mga side walk at center island.

Bagamat marami ang natuwa, meron din namang nagalit.

Kaya naman isang panukalang batas ang isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang magkaroon ng regulasyon at mahigpit na ipagbawal ang pagharang sa mga bangketa maging sa mga ilegal na pumaparada sa mga pampublikong kalsada.

Sa ilalim ng proposed bill ni Surigao del Norte Representative Robert Barbers, mahigpit na ipagbabawal na magtayo ng mga istraktura, negosyo, mga basura o anumang harang sa mga bangketa na para lamang sana sa mga daanan ng tao.

Temporary permit lamang ang dapat na ibigay ng mga otoridad kung gagamitin ang mga pampublikong kalsda upang paradahan o anumang aktibidad na posibleng makaapekto naman sa daloy ng trapiko.

Kung maisabatas ang panukala ay maaaring magmulta ng mula isanlibo hanggang sampung libong piso ang lalabag rito at makumpiska ang mga nakaharang sa bangketa at i-impound naman ang mga sasakyan.

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

Tags: ,