Pinalawig pa ng lokal na pamahalaan ng Manduluyong City ang pag-amyenda sa ordinansa kontra riding in tandem o pagbabawal sa lalaking backrider sa motorsiklo.
Palalawigin pa ng tatlong taon ang nasabing ordinansa matapos ang anim na buwang experimental stage noong nakaraang taon na nagtapos nitong Marso.
Sumuporta naman sa pamamagitan ng isang motorcade ang nasa 2,000 motorcycle riders mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod bilang suporta sa ordinansa noong Sabado.
Hindi naman sakop ng City Ordinance No. 595 o Riding in Tandem Ordinance ang kamag-anak ng driver, babae , bata na may edad 7-10 taong gulang at miyembro ng PNP Tactical and Mobile Unit na nagroronda sa lansangan.
Mahaharap naman sa isang libong piso hanggang tatlong libong pisong multa ang mahuhuling lalabag dito.
Ayon kay Mayor Benhur Abalos, naging maganda ang kinalabasan ng pagpapatupad ng ordinansa kung saan apat na kaso lamang na konektado sa riding-in-tandem ang naitala mula nang maisabatas ito.
Aniya mas makakatulong ito para lalo pang mabawasan ang krimen sa lungsod at maging halimbawa pa sa ibang local na pamahalaan para maipatupad din nila ito sa kanilang lugar.(Reynante Ponte/UNTV Radio)
Tags: city ordinance, Mandaluyong City, Mayor Benhur Abalos, PNP Tactical and Mobile Unit, riding-in-tandem