Basura sa Manila Bay, tambak pa rin

by Radyo La Verdad | August 14, 2018 (Tuesday) | 5069

Kasabay ng paghina ng ulan ay bahagya na ring humina ang alon sa Manila Bay sa bahagi ng Roxas Boulevard, Ermita Maynila ngayong umaga.

Ngunit kapansin-pansin pa rin ang mga basurang nakatambak sa Baywalk area.

Hindi na bago para sa mga tauhan ng Department of Public Safety (DPS) ang mga inaanod na basura sa lugar lalo na kung tag-ulan.

Bunsod ng masamang lagay ng panahon dulot ng habagat, umabot sa mahigit sampung trak ng basura na ang nahahakot sa paglilinis sa lugar ng lokal na pamahalaan mula pa noong Sabado.

Hanggang sa mismong kalsada ng Roxas Boulevard ay nakapagkolekta ang DPS ng sako-sakong mga basura.

Mabahong simoy ng hangin din ang dala ng tambak na basura sa lugar.

Sa kabila nito, hindi napigilan ang mga natutulog sa kahabaan ng baywalk na bumalik sa lugar.

Samantala, inaasahan ang patuloy na clean up drive sa lugar ng mga kawani ng lokal na pamahalaan katuwang ang MMDA at DPWH hanggang sa susunod na linggo.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,