Barangay treasurer, patay matapos masuntok ng isang nag-amok na residente

by Radyo La Verdad | March 1, 2018 (Thursday) | 4636

Umaawat lang si Edgardo Maliclic sa pag-aamok ng ka-barangay na si Michael Aparicio subalit siya ang pinagbalingan nito ng galit.

Pinagsusuntok ni Aparicio si Maliclic hanggang sa ito ay bumagsak sa kalsada at nawalan ng malay. Isininugod sa ospital ng mga nakakitang residente ang biktima subalit idineklara na itong dead on arrival.

Kita pa sa CCTV ang ginawang panununtok ng suspek kay Maliclic pasado ala una ng madaling araw sa barangay 152 Tondo, Maynila.

Ayon sa chairman ng barangay, lasing si Aparicio nang ito ay magwala.

Kasalukuyan ng nasa kustodiya ng Manila Police Station 7 ang suspek na mahaharap sa kasong frustrated homicide.

Samantala, pinag push-up ng mga tauhan ng Caloocan City police ang mga kalalakihan matapos mahuli dahil sa paglabag sa mga ordinansang ipinatutupad sa lungsod. Karamihan sa kanila ay nahuling nag-iinuman sa kalsada.

Ang mga 1st time offenders ay pinagsabihan lamang ng mga pulis bago pinauwi habang ang mga repeat offenders ay pinagmulta ng dalawang libong piso at sasailalim din sa community service.

Arestado rin sa isinagawang anti-criminality campaign ng mga pulis kagabi ang isang magnanakaw at ang dalawang indibidwal na may pending warrant of arrest.

Nahuli rin sa operasyon ang tatlong lalake na naaktuhang gumagamit ng iligal na droga. Kinilala ang tatlo na sila Mhel Yambao, John Salita at Eduardo Serra.

Dalawampu’t dalawang motorsiklo naman ang inimpound ng mga pulis dahil walang mga dokumento.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,