Suportado ng Department of the Interior and Local Government ang panukalang ipagpaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda ngayong October 31.
Ayon kay DILG Secretary Mike Sueno, dahil katatapos lang ng national elections, maaapektuhan pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno ng mga COMELEC election ban kung magdadaos muli ng isa pang halalan ngayong taon.
Sang-ayon din ang league of provinces, cites, municipalities at maging ng liga ng mga barangay sa naturang panukala.
Maging ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ay pabor sa election postponement upang matutukan ang kampanya laban sa iligal na droga ng pulisya at ang pagsugpo naman sa Abu Sayyaf sa loob ng anim na buwan para sa panig nang militar.
Ngunit ang National Youth Commission at Sk Reform Coalition, nais nang ituloy ang SK elections na dati nang naipagbaliban noong 2013.
Apela naman ng COMELEC, na madesisyunan na sa lalong madaling panahon kung ipagpapaliban o hindi ang halalan dahil pagpasok ng buwan ng Setyembre ay magiging full swing na ang pag-iimprenta ng balota.
At sakali naman na ipagpapaliban ang halalan, nais ng COMELEC na hindi ito isagawa nang malapit sa susunod na national elections.
Sa mga panukalang nakahain sa Senado, balak isagawa ang barangay and SK polls sa October 2018.
Ayon naman kay Senate Committee on Local Government Chairman Sonny Angara, malaki ang posibilidad na maipagpaliban ang halalan.
Bunsod ng pagpabor ng marami sa postponement.
May katulad namang panukala na nakahain na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Pero ayon kay Angara, kailangang dumaan sa mas masusi pang pag-aaral ang kaakibat na panukala na gawing limang taon na ang termino ng elected barangay officials mula sa kasalukuyang tatlong taon.
(Victor Cosare / UNTV Correspondent)
Tags: Barangay at SK elections sa Oktubre, malaki ang posibilidad na ipagpaliban, Sen. Sonny Angara
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com